Ayon kina Konsehal Eddie Torres, Payapa Ona at Ma. Luisa Roque-Villaroel, naniniwala sila na nakikipag-ugnayan na si Vicencio sa ilang election officials para matiyak na mangunguna sa nalalapit na halalan ang kanyang mga kandidato.
Sinabi ni Torres na nauna nang ginamit ni Vicencio ang kanyang kapangyarihan nang atasan ang municipal treasurer na kumbinsihin ang mga konsehal na katigan ang resolusyon na nagpapalabas ng P130-milyong pautang para sa kontrobersyal na pagpapagawa ng Municipal Hall building.
Idinagdag pa niya na nakipagkutsabahan rin umano si Vicencio upang itago sa mga oposisyong konsehal ang tunay na financial status ng lokal na pamahalaan kung saan umabot sa P55-milyon ang budget deficit nang aprubahan ang resolusyon upang makakuha ng utang sa Philippine National Bank.
Upang maiwasan ang posibleng anomalya sa Mayo 14, nanawagan si Torres sa mga residente ng Malabon na bantayan ang kanilang mga boto sa halalan para makatiyak na tanging mga inihalal ng bayan ang maipoproklamang panalo at hindi ang mga gumagamit ng guns, goons and gold.
Idinagdag pa niya na malawakang pandaraya ang magaganap sa halalan kung patuloy na papayagan ng mga local election officials ang panghihimasok ni Vicencio. (Ulat ni Gemma Amargo)