Bagitong pulis hinoldap ng magpinsan

Nadakip ang isang high school student kasama ang pinsan nito, matapos holdapin ang isang bagitong pulis kahapon ng madaling araw sa Muntinlupa City.

Kinilala ang mga suspect na sina Delfin Artocilla, 21, 4th year high school ng Muntinlupa City National High School, ng Block 12, Lot 2, Soldiers Hills Village, barangay Putatan ng nabanggit na lungsod at Roger Rellon, 28, isang construction worker ng Area-A, Payatas, Quezon City.

Samantala, ang biktima ay nakilala namang si PO1 Pedro Delgado, nakatalaga sa Presinto 2, Muntinlupa City Police.

Sa imbestigasyon ni PO3 Relix Paor, ng Criminal Investigation Division (CID), naganap ang krimen dakong alas-12:00 kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng National Road, barangay Tunasan, ng lungsod na ito.

Nakasakay ang biktima sa isang pampasaherong jeep, nakaupo at natutulog ito sa bandang dulo, sinipa ito sa paa ng mga suspek na nakasakay din sa nasabing sasakyan.

Nagising ang biktima at sabay na tinutukan ito ng patalim at nagpahayag nang hold-up ang mga suspek.

Nakuha sa biktima ang mamahaling relo at habang nililimas ang iba pa nitong alahas at pera ay dahan-dahan namang umaandar ang jeep kaya’t nagkaroon ng tiyempong makatalon ito. Saka binunot ni Delgado ang kanyang service fire arm at nagpakilala itong pulis kaya nadakip ang magpinsang suspek. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments