Ginang napatay dahil sa tulay

Nasawi ang isang 53-anyos na ginang samantalang nasa malubhang kalagayan ang asawa nito at isa pa matapos silang pagsasaksakin ng apat na kalalakihan makaraang magtalo kung sino ang dadaan sa isang maliit na tulay, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Hindi na umabot pa ng buhay sa Valenzuela District Hospital sanhi ng tinamong tama ng saksak sa kaliwang dibdib ang biktimang si Leticia Obleya habang kasalukuyan pang ginagamot sa nasabing pagamutan sanhi ng tinamong tig-isang tama ng saksak sina Nicanor Obleya, 58, taxi driver at Tirso Balantes, 30, helper, kapwa mga residente ng Bgy. Lingahan, Malanday, Valenzuela City.

Patuloy namang nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya laban sa mga suspek na sina Abelardo Giron, Rodolfo Giron, Benigno Giron at isang alyas "Jon-Jon" na umano’y magkakamag-anak.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-11 ng gabi nang magtalo sina Balantes at Abelardo at mga kasama nito na noon ay parehong lasing kung sino ang unang dadaan sa isang maliit na tulay sa kanilang lugar patungo sa kanilang mga bahay.

Nagalit ang suspek at mabilis na inundayan ng saksak ang biktima na tinamaan sa kaliwang braso kung kaya’t kaagad itong tumakbo sa kanilang bahay subalit sinundan pa rin ito ng grupo ng una.

Pagdating sa bahay ng biktima ay nabulabog ang dalawang matanda na noo’y kapwa natutulog at tinangka namang umawat ng mga ito pero sila’y sinaksak ng mga suspek kung saan tinamaan sa kaliwang dibdib si Leticia na agad nitong ikinamatay habang ang asawa nitong si Nicanor ay tinamaan sa braso. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments