Taxi hinagisan ng pillbox; driver nabingi

Halos mabingi sa lakas ng pagsabog ang isang taxi driver makaraang hagisan ng isang pillbox ng apat na lalaki ang kanyang minamanehong taxi sa lungsod ng Caloocan.

Naalog ang ulo na naging dahilan ng panghihina ng pandinig ng biktimang si Marcelo de Leon, 45, residente ng #28-E de Onon st., Marulas, Valenzuela City.

Agad namang naaresto ang mga suspek na sina Allan Albert Hilario, 22; Benjamin Palomo, 20; Homer Castro, 21 at Michael Ramos, 17.

SA imbestigasyon ni PO1 Arnel de Guzman, ang insidente ay naganap dakong 11:30 kamakalawa ng gabi sa Peralta st. at de Leon st. sa kahabaan ng 10th Ave., Caloocan City.

Napag-alaman na minamaneho ng biktima ang kanyang kulay puting RR Barrientos taxi sa nabanggit na lugar ng biglang sumulpot sa harapan ng kanyang taxi ang mga suspek na sina Hilario at Palomo saka naghagis ng pillbox. Nawasak ang bubungan at likurang bahagi ng sasakyan, habang lookout naman ang dalawa pang suspek.

Napahinto ang taxi dahil sa pagsabog at masuwerte namang hindi nasugatan ang driver, pero naapektuhan ang pandinig nito.

Tatakas sana ang mga suspek subalit nasakote sila ng nagrespondeng mga tanod na hiningian ng tulong ng biktima.

Nakatakdang kasuhan ang mga suspek na nakakulong ngayon sa Caloocan police station 2. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments