Barilan: 3 holdaper tiklo

Tatlo sa apat na holdaper ng isang supermarket ang naaresto ng pulisya, isa rito ay sugatan matapos ang may 15-minutong habulan at barilan, kahapon ng madaling araw sa Pasig City.

Kinilala ni Supt. John Sosito, hepe ng Pasig police ang naarestong sina Jose Aninion, 28, ng Culiat, Tandang Sora, QC; Gerardo Marquez, 30, ng Pulang Lupa, Las Piñas, at Manuel Ignacio, 30, ng UP Diliman, QC. Si Aninion ay ginagamot sa Pasig City General Hospital dahil sa tama ng bala ng baril sa dibdib, braso at hita.

Sa ulat ng pulisya, sakay ang mga suspek ng isang kulay abong Tamaraw FX (PBG-196) ng huminto sa harap ng City Lane Supermarket sa Ortigas Ave., Bgy. Rosario dakong alas-3 ng madaling araw.

Dalawa sa mga suspek ang bumaba at nilapitan ang sekyu na si Dario Bentudilla, 29. Bago pa makalapit ang mga suspek ay nakatunog na ang guwardiya at akmang bubunutin nito ang kanyang baril ng maunahan siya ng mga suspek at binaril ito kung saan nadaplisan sa mukha at leeg.

Dahil sa putukan, naalarma ang isang patrol car at nagkaroon ng habulan at palitan ng putok.

Nang makarating sa Corinthian Garden ay bumaligtad ang FX ng mga suspek kaya sila nasukol ng mga pulis. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments