Golden Acres nasunog: 1 katao patay

Isang matandang babae ang natusta matapos nitong tangkaing balikan ang kanyang kagamitan mula sa nasusunog na gusali ng Golden Acres, kahapon ng madaling araw sa Bago Bantay, Quezon City.

Kinilala ni C/Insp. Ricardo Lemense, QC fire marshall, ang nasawing si Asuncion Rosal, 80, nakatira sa Golden Acres sa Misamis extension, Bgy. Sto. Cristo, Bago Bantay.

Sa ulat ng arson probers, ala-1:30 ng madaling araw ng sumiklab ang apoy sa social hall ng nasabing bahay-ampunan ng mga matatanda.

Sinabi ni Mrs. Divina Ramirez, tagapangasiwa ng Home for the Aged, mabilis na kumalat ang apoy kaya ginising nila lahat ang matatanda sa kanilang mga silid at inilikas.

Nasa labas na umano ang biktimang si Rosal ng bigla itong makalusot sa kordon ng mga bumbero at muling bumalik sa nasabing gusali para kunin ang kanyang maleta na naglalaman umano ng mga litrato ng kanyang mahal sa buhay, pero hindi na ito nakalabas pa. (Ulat nina Rudy Andal/Wilfredo Suarez)

Show comments