Si Opinion, ang ika-14 director ng NBI, ay binawian ng buhay dakong alas-4:30 ng hapon habang nasa tabi ng kanyang asawang si Carmelina Madecastro, 54, at ang mga anak na sina Federico Opinion III, Fedelina Opinion Sanduco, Fortune Opinion at Freida Ann Opinion.
Bago na-appoint bilang hepe ng NBI ni Pangulong Estrada noong nakaraang Setyembre 26, nagsilbi munang deputy director for Special Investigation Services ng NBI si Opinion. Natalaga itong acting director noong Mayo 1, 1999 matapos namang mamatay sa atake sa puso si dating NBI director Santiago Toledo.
Nauna rito ay apat na daliri sa kamay nito ang kinailangang putulin bunga ng kumplikasyon sa diabetes ng kanyang kidney trouble. Mayroon na umanong nakahandang kidney na dinonate ng kanyang manugang na lalaki pero masyado nang mahina si Opinion para sa transplant operation. Ang kanyang labi ay tatlong araw na ilalagak sa Funeraria Paz sa Araneta Ave., QC at ililipat sa NBI headquarters.
Si Opinion na tubong Mandurriao, Iloilo City ay naging executive director ng Anti-Organized Crime Division, hepe ng Anti-Fraud Division, Iloilo City regional director, chief ng National Capital Region, hepe ng Special Task Force at chief ng nabuwag na Presidential Anti-Crime Commission Task Force Agila. (Ulat ni Andi Garcia)