Namatay habang ginagamot sa Mary Johnson Hospital ang biktimang si Joel Maglente, walang hanabuhay at nakatira sa #1164 Mabuhay st., Tondo. Nagtamo ito ng mga saksak sa mukha at likurang bahagi ng katawan.
Pinaghahanap naman ng awtoridad ang suspek na si Lawrence Uriarte, 21, walang trabaho ng Sandico st., Tondo na tumakas kasama ang dalawa pang sina Reynaldo Formente, 19, at isang alyas Erick, 23.
Sa pagsisiyasat ni Detective Joey de Ocampo, ng Western Police District-Homicide Division, bandang alas-3:45 ng madaling araw ng maganap ang krimen sa tapat ng bahay ng biktima.
Nauna rito, nagkaroon ng pagtatalo si Uriarte at asawang si Joy, matapos na mabalitaan ng lalaki na muling nakikipagkita ang misis nito sa dati nitong childhood sweetheart na si Maglente. Nagwala ang suspek at lalong nagalit ng minsang hindi umuwi magdamag ang kanyang misis.
Nang komprontahin ng mister ang asawa ay umamin ang babae na patuloy pa rin ang relasyon nila ni Maglente.
Dakong alas-12 ng hatinggabi ay inabangan ng suspek kasama sina Formente at Erick, ang biktima at bandang alas-3:45 ng maispatan ang binatilyo na naglalakad pauwi.
Sa isang madilim na bahagi ay biglang lumitaw ang tatlo at dito ay pinagtulungang saksakin ang biktima. Tumakas ang mga suspek at kasabay nito ang pagkawala ni Joy na hinihinalang tinangay din ng kanyang mister sa pagtakas. (Ulat ni Ellen Fernando)