Madre iniwasan ng mga aircon bus holdapers

Isang aircon bus ang hinoldap ng tatlong kalalakihan na armado ng baril at balisong at walong pasahero ang nakulimbatan maliban sa isang madre na hindi idinamay at sa halip ay humiling pa na ipagdasal na lamang sila kamakalawa ng hapon sa Nagtahan bridge, Sta. Mesa, Manila.

Dalawa sa tatlong suspek ang kinilala sa pamamagitan ng cartographic sketch ng WPD-Theft & Robbery Section na sina Boy Quines at isang alyas Tisoy.

Nabatid na panggamit lamang aniya ng shabu ang hiling ng mga suspek ng holdapin nila ang PVP Liner na may plakang NWC-270 na biyaheng Makati-Quiapo at minamaneho ni Stanly Marina, 25.

Dakong ala-1:50 ng hapon nang magdeklara ng holdap ang mga suspek ilang minuto makaraang sumakay ang mga ito sa harapan ng Makati Stock Exchange.

Tinatayang umabot sa P5,000 ang natangay ng mga holdaper mula sa walong pasahero na nakulimbatan ng mga ito kabilang na ang isang pastor.

Mabilis ding bumaba at tumakas ang mga suspek sa tapat ng Eulogio Amang Rodriguez Institute, pero iniwanan muna ng request ang madreng miyembro ng Carmelites Order na hindi na rin nagpakilala na ipagdasal na lamang sila.

Hinihinala na ang mga holdaper ay pawang mga miyembro rin ng cellphone gang. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments