Romualdez, nanguna sa ‘service caravan’ sa Surigao del Sur
BISLIG CITY, Surigao del Sur, Philippines — Pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ng administrasyon sa CARAGA Region, kung saan bumaha ng suporta para sa may 90,000 na benepisyaryo para sa may kabuuang P600 milyong government services at ayuda sa isinagawang 2-araw na service festival sa lungsod na ito mula nitong Biyernes hanggang kahapon, Sabado.
Umaabot sa 6,000 residente ng Surigao del Sur ang tumanggap ng ayudang bigas at cash sa BPSF sa ilalim ng tatlong programa ng gobyerno na layuning tulungan ang mga bulnerableng sektor ng lipunan, mga estudyante at maliliit na negosyante.
Si Romualdez ang nanguna sa distribusyon ng ayuda sa ilalim ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program, Start-up, Incentives, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL) Program, at Integrated Scholarship and Incentives for the Youth (ISIP for the Youth) Program sa magkakahiwalay na payout site sa probinsya.
“Pag may BPSF sa isang lugar, tiyak na may distribution din sa ilalim ng CARD, SIBOL at ISIP. At atin itong hinihiwalay para masiguro na ating maabot ang ilang sektor ng lipunan na nahihirapan sa ating panahon ngayon,” ayon kay Romualdez.
Sinabi naman ni House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” Gabonada Jr., isa sa lider ng BPSF National Secretariat, layunin ng CARD program na matulungan ang mga senior citizen, PWD, single parent, Indigenous Peoples at iba pa.
Sa isang simpleng seremonya sa Brgy. Mangagoy Gymnasium nitong Biyernes, sinabi ni Gabonada na 2,000 benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-P2,000 cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Tumanggap din ang mga benepisyaro ng 10 kilo ng bigas.
Para sa SIBOL program, nasa 2,000 benepisyaryo rin nakatanggap ng tig-P5,000 financial aid sa payout na ginanap sa Andres Soriano College of Bislig, at tig-limang kilo ng bigas.
- Latest