Ang huling drama ni Sara
May isang bagay na malinaw sa pinakahuling press conference ni Sara Duterte: ang pagsisikap niyang humirit ng huling drama bago ilabas ng impeachment court ang inaasahang hatol laban sa kanya. Minsan, pa-victim ang dating. Minsan naman, tapang-tapangan. Pero sa huli, comedy ang kinalabasan.
Una, sinabi niyang gusto niyang humarap sa impeachment court at siya mismo ang mag-abogado para sa sarili, pero hindi raw siya pinapayagan ng kanyang mga abogado. Ows? Sinong tanga ang maniniwala rito?
Siya ang kliyente at Pangalawang Pangulo. Kung talagang desidido siyang humarap, walang makapipigil sa kanya. Ang mga abogado ni Sara, susuwayin siya? Eh baka pinagbabato sila ng laptop!
Kung gusto talagang magpakitang-gilas ni Sara sa korte, hindi na niya kailangang magdaos pa ng press conference para ipaalam iyon. Humarap na lang siya.
Ikalawa, sinabi ni Sara na baon siya sa utang dahil sa bayad sa mga abogado para sa kanyang impeachment trial at sa mga biyahe sa The Hague kaugnay ng paglilitis sa kanyang ama. Limang milyong piso raw ang hiniram niya.
Nakalimutan na ba ni Sara ang dati niyang pahayag na pro bono ang serbisyo ng kanyang mga abogado? Pro bono noon, utang ngayon? Ano ba talaga, ate? At paanong baon sa utang si Sara gayong umaabot umano sa mahigit P817 milyon ang kanyang hindi maipaliwanag na yaman?
Ikatlo, walang kapaguran niyang kinukuwestiyon ang ICC, pero sino ang ginagawa niyang sandigan? Sina Donald Trump, Vladimir Putin at Xi Jinping, mga despotikong lider na kalaban ng demokrasya. Si Putin nga ay may arrest warrant din mula sa ICC. Kung sila ang mga kakampi ni Sara sa usaping ito, lalo lamang lumilinaw kung anong uri ng pamumuno ang nais niyang ipagtanggol.
Malinaw, ang pinakahuling press conference ni Sara ay mistulang huling buga at hinga bago sumapit ang araw ng pananagutan. Maraming dada, maraming drama, pero halata ang takot at kaba.
Parating na ang araw ng paghuhukom ni Sara. Matatala siya sa kasaysayan bilang dalawang beses na-impeach ng Kongreso, hahatulang guilty ng Senate impeachment court at anak ng kauna-unahang former Asian head of state na nililitis ng ICC.
- Latest















