P34 milyong shabu samsam sa buy-bust, 3 arestado

COTABATO CITY, Philippines — Nasa P34-milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga anti-narcotics agents at pulisya mula sa tatlong hinihinalang drug dealers, isa rito ang dumayo pa mula Quezon City sa ikinasang buy-bust operation nitong Huwebes sa Barangay Sinunuc, Zamboanga City.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 9 ang mga suspek na sina Abdurajik Unayel, Sembonaga Dimasangca at kanilang kasabwat na si Matitin Mosa Saed na taga Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Ang tatlong suspek ay nasa kustodya na ng PDEA 9.
Ayon sa mga intelligence officials ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), Western Mindanao Command at Philippine Army’s 6th Infantry Division na may sakop sa Central Mindanao, si Saed ay may mga kasabwat at kontak din sa mga lalawigan at siyudad ng Bangsamoro Autonomous Region, siyam dito ay nahuli na ng mga operatiba ng PRO-BAR at agents ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa mga buy-bust operation, sa loob ng 13 buwan.
Sa ulat, sina Unayel, Dimasangca at Saed ay agad inaresto ng mga PDEA 9 agents katuwang ang mga operatiba ng iba’t ibang units ng PRO-BAR matapos bentahan ng tatlo ang poseur buyer ng droga sa Brgy. Sinunuc. Nakumpiska sa tatlo ang 5-kilong shabu na nagkakahalaga ng P34 milyon na gagamiting ebidenysa sa pagsasampa sa kanila ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang nasabing operasyon ay suportado ng tanggapan ni Zamboanga City Mayor Khymer Adan Olaso at kanyang mga lider sa Barangay Sinunuc.
- Latest















