EDITORYAL — Matalinong pamamahala sa pera ng bayan, ang kailangan
SA deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 national budget noong Lunes (Nobyembre 23), iminungkahi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na pag-aralan ang isang mekanismo kung saan maaaring kusang magbigay ng pera ang mga Pilipinong gustong tumulong sa pagbabayad ng pambansang utang.
Nasa P19.66 trilyon ang national government debt noong third quarter ng 2026. Kapag hinati ito sa tinatayang 114.93 milyong Pilipino, lalabas na humigit-kumulang P170,598 bawat isa.
Nakagugulat ang numero, pero kailangang malinaw: hindi ito personal na utang na kailangang bayaran ng bawat Pilipino. Para lamang ito ipakita kung gaano kalaki ang kabuuang utang ng gobyerno.
Kahit boluntaryo ang donasyon, makatwiran ding itanong: makabuluhang sagot ba talaga sa P19.66 trilyong utang ang paghiling sa mamamayan na magbigay pa bukod sa buwis na binabayaran na nila?
Ginawang halimbawa ni Cayetano ang nangyari sa South Korea noong 1998 na tinawag na “Gold Collection Movement”, kung saan nag-donate ng kanilang gintong alahas ang mga South Korean citizens upang makatulong noong panahon ng Asian financial crisis.
Iminungkahi rin ni Cayetano na maaaring magsimula ang voluntary contributions sa mayayamang negosyante at iba pang gustong magbigay.
Maganda ang diwa ng bayanihan. Pero sa panahon na mababa ang tiwala ng marami sa paraan ng pagkurakot ng public funds, maaari ding magmukhang insensitive ang paghiling ng dagdag na ambag mula sa publiko.
Sa katunayan, mismong si Cayetano ang nagtanong kung bakit siya magbibigay ng P170,000 kung patuloy lamang ang pangungutang at may perang mananakaw. Iginiit din niyang dapat piliing mabuti ng gobyerno ang mga loan at gamitin ang mga ito sa produktibong paraan.
Doon mismo makikita ang mas malaking problema. Bakit patuloy na umuutang ang gobyerno, saan napupunta ang pera, at kung may sapat na pakinabang ang bawat pisong hiniram.
Bago hikayatin ang mamamayan na maglabas pa ng dagdag na pera, kailangang patunayan muna ng gobyerno na maayos nitong pinamamahalaan ang buwis at utang na hawak na nito.
Ang bayanihan ay magandang panawagan. Pero ang pambansang utang ay hindi dapat solusyunan sa ambagan, kundi sa responsable, transparent at matalinong pamamahala ng pera ng bayan.
- Latest

















