BRM Centers, humiwalay na sa European Wellness
MANILA, Philippines – Nilinaw ng BRM Centers OPC, dating nagpapatakbo ng EW Villa Medica Manila Premiere Centre, na natapos nito ang lahat ng obligasyon sa ilalim ng kasunduan nito sa European Wellness Global bago nagtapos ang kanilang partnership noong 2025. Ayon sa pahayag ng kumpanya, nagsimula ang paggamit nito sa pangalang EW Villa Medica sa Maynila noong Marso 2021 sa bisa ng kasunduan sa European Wellness Global na pag-aari ni Mike Chan.
Pormal na binuksan ang klinika noong Hulyo 2022 sa seremonyang dinaluhan nina Chan at BRM Centers President at CEO Crystal Jacinto. Gayunman, nagwakas ang kanilang ugnayang pangnegosyo noong 2025 bilang bahagi ng desisyon ng magkabilang panig na magpatuloy sa magkahiwalay na direksiyon.
Iginiit ng BRM Centers na nabayaran nito ang lahat ng kaukulang bayarin sa paggamit ng pangalan at tatak na EW Villa Medica sa buong panahon ng kanilang kasunduan.
Matapos ito, itinatag ni Jacinto ang VMP Regenerative Clinic kasama ang isang German partner.
Binigyang-diin ng kumpanya na wala nang kaugnayan ang operasyon ng bagong klinika sa dating kasunduan nito sa European Wellness Global at mayroon na itong sariling pamunuan, mga kasosyo at sistema ng operasyon.
Ayon sa kumpanya, mananatiling pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan at kapakanan ng mga pasyente at ang pagpapanatili ng kalidad ng mga serbisyong medikal.
- Latest















