70-anyos nanay, pinutulan ng kamay ng anak
Tabaco City, Albay, Philippines — Putol ang kanang-kamay at sugatan sa ilang bahagi ng katawan ang 70-anyos na matandang babae matapos pagtatagain ng sariling anak sa Brgy. Pinagbobong, Tabaco City, Albay kamakalawa ng hapon.
Inoperahan at patuloy na inoobserbahan ang kalagayan sa pagamutan ng biktima na kinilalang si Alicia habang inaresto at nahaharap sa kasong frustrated parricide ang anak na suspek na si Juaquin, 48-anyos, magsasaka, kapwa residente ng naturang lugar.
Sa ulat, dakong alas-2:20 ng hapon umuwing lasing ang suspek at inabutang nasa labas ng kanilang bahay ang ina. Hindi pa malinaw ang pinakadahilan, pero posibleng nagalit umano ang suspek nang sitahin ng ina ang kanyang paglalasing dahilan para magkaroon nang mainit umanong pagtatalo ang dalawa. Sa gitna ng pagtatalo ay kumuha ng itak ang suspek at pinagtataga ang matanda dahilan para maputulan ito ng kanang-kamay, pagkasugat sa balikat, at iba pang bahagi ng katawan.
Agad humingi ng saklolo ang mga residente sa Tabaco City Police Station na mabilis rumesponde kaya inabutan at inaresto ang suspek. Nabawi rin sa kanya ang itak na ginamit sa pananaga. Isinugod sa Bicol Regional Hospital and Medical Center sa Legazpi City ang biktima.
Nadiskubre pa ng mga pulis na may naunang mga kaso na ang suspek na alarm and scandal at frustrated murder.
- Latest
















