Eala may bagong career-high sa WTA

MANILA, Philippines — Magarbong tatapusin ni Alex Eala ang season na ito dahil hahawakan nito ang bagong career-high sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings.
Umangat pa sa No. 16 si Eala sa WTA live rankings matapos sumampa sa quarterfinals ng ginaganap na Hong Kong Open na isang WTA 250 event.
Mas maganda ito sa kanyang No. 17 posisyon.
Nakalikom na si Eala ng 2,327 puntos kung saan nakakuha ito ng karagdagang puntos matapos magtala ng tatlong sunod na panalo sa Hong Kong.
Kasama na rito ang 7-6 (7), 7-5 pananaig ni Eala sa quarterfinal round laban kay Antonia Ruzic ng Croatia.
Nalampasan ni Eala si four-time Grand Slam champion Naomi Osaka ng Japan na nahulog sa No. 17 tangan ang 2,315 puntos.
Inaasahang aangat pa ang puwesto ni Eala kung aabot pa ito sa finals ng Hong Kong Open.
Mauungusan ni Eala si Sorana Cirstea ng Romania na may 2,386 points.
Napalasik na sa kontensiyon si Cirstea sa Hong Kong Open kung saan lumasap ito ng 2-6, 3-6 kabiguan sa kamay ni Alexandra Shubladze ng Russia sa quarterfinals.
Ang Hong Kong Open ang huling torneo sa WTA Tour na lalahukan ni Eala.
- Latest


















