Mananagot ang mga sinungaling
HABANG sumusulong ang teknolohiya sa impormasyon at komunikasyon, lalo namang humuhusay ang tao sa pagsisinungaling. Isa akong baby boomer na isinilang sa isang panahon na anumang lumabas na balita, o litrato, o video sa diaryo, o radyo, o telebisyon ay mapanghahawakan na tama at totoo. Kung may makalusot mang kasinungalingan sa traditional media noon, bibihira, at siguradong mananagot ang pinanggalingan ng balitang hindi totoo o gawa-gawa lamang.
Sa panahon ngayon ng mga zoomers, nagagamit ang mga social media platforms, tulad ng FB, sa pagpapalaganap ng mga balitang peke o gawa-gawa lamang. Noon, bihira lamang ang bumibili ng diaryo, at hindi lahat ay may radyo o telebisyon. Ngayon, mga Pilipinong sanggol na lamang yata ang walang mobile phone.
Batay sa mga pandaigdigang sarbey, mga Pilipino ang nangunguna sa buong mundo sa haba ng oras na ginugugol sa paggamit ng social media, kung saan ay sandamakmak ang mga balitang peke at gawa-gawa lamang. Ang mabigat, kinakailangang maging eksperto para malaman kung ano ang peke at totoo. Dahil sa husay ng teknolohiya, ang kasinungalingan ay napamumukhang katotohanan, ang gawa-gawa lamang ay napagkukunwaring tunay na nangyari. Dahil dito, napakadaling mabitkma ng karaniwang mamamayang Pilipino.
Kapag may lumabas na mainit na balita sa social media, ang tanong ko agad, totoo kaya ito? Maging ang litrato ngayon ay napakadaling baguhin para magamit sa pagkakalat ng kasinungalingan. Noong 1911, ang sikat na newspaper editor na si Arthur Brisbane ay nagwika, ‘‘Gumamit ng litrato. ‘Yan ay katumbas ng isang libong salita.’’
Ang litrato ay may kapangyarihang magpahayag ng katotohanan, higit sa magagawa ng libu-libong mga salita. Pero hindi na ngayon dahil ang litrato ay nareretoke, kung kaya’t ang isang lola ay napamumukhang isang teenager. Ang video ay napepeke, kung kaya’t mapapalabas na ang Presidente mismo ang nag-isyu ng isang direktiba. Ito ang tinatawag na deep fake. Sa Tagalog, kasinungalingang sagad sa buto.
Sa panahon ngayon ng information technology, ang matinding nalalabag sa Sampung Utos ay ang ika-9 na utos, ‘‘Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan sa iyong kapwa.’’ Sa madaling-salita, huwag magsisinungaling. Ito’y pagbabawal sa paggawa ng kasinungalingan at panlilinlang, hindi lamang sa loob ng korte, kundi sa lahat ng lugar, sa lahat ng panahon, at sa lahat ng pagkakataon. Dahil ang pagsisinungaling at panlilinlang ay naisasagawa sa isang kapani-paniwalang pamamaraan, napakaraming tao ang nagiging biktima nito araw-araw. Gayunman, heto naman ang maganda--ang katotohanan ay laging may pamamaraan na mangibabaw sa tamang panahon. Wika ni Hesus sa Lucas 8:17, «Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag.»
Masama ang pagsisinungaling at panlilinlang, sapagkat ito’y kumpletong kontradiksyon sa kalikasan ng Diyos na katotohanan. Ang binabangga mismo ng isang taong nagsisinungaling at nanlilinlang ay ang Diyos na bagamat pag-ibig ay Diyos din ng katarungan. Ganito ang wika sa Exodo 34:7, «Ngunit hindi ko pinalalampas ang kasalanan ng ama at ang pagpaparusa ko’y hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.Kawawa ang kaapu-apuhan ng mga sinungaling at mapanlinlang, sapagkat aabot hanggang sa kanila ang parusa ng Diyos.
Tiyak na darating ang oras ng pagtutuos! Maaaring tila nagtatagal, pero siguradong sisingilin ng Diyos ang mga sinungaling at mapanlinlang!
- Latest















