6-anyos nasawi sa hit-and-run
Inakalang humps
MANILA, Philippines — Nasawi ang isang 6- anyos matapos ma-hit and run ng isang SUV sa 2nd St., Baseco, Maynila, hatinggabi noong Oktubre 30.
Sa salaysay ng ina, magkasama silang nagtitinda ng mani nang magutom ang bata kaya bumili siya ng pagkain habang naglalaro naman ang anak sa gilid ng kalsada. Subalit pagbalik niya, nadatnan niyang nakahandusay ang bata na na-hit-and-run ng SUV na minamaneho ng isang dating presidente ng tricycle operators and drivers association (TODA) sa Baseco.
Agad na isinugod ng lola ang bata sa ospital ngunit hindi na ito umabot nang buhay. Samantala, naharang ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang driver bago pa ito tuluyang makalabas ng Baseco.
Ayon kay PMaj. Joel Aquino, hepe ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng MPD Traffic Enforcement Unit, isang concerned citizen na nakasakay sa motorsiklo ang humabol sa SUV at tumulong upang matukoy at maharang ang suspek.
Sa panig ng driver, sinabi nitong inakala niyang humps ang nadaanan niya dahil lubak-lubak umano ang kalsada. Idinahilan din niyang masakit ang isang bahagi ng kanyang katawan kaya magpapamasahe sana siya nang mangyari ang insidente. Giit pa niya, hindi siya mayaman at kasalukuyan siyang nakakulong.
- Latest


















