Eala-Shnaider rematch sa Toray Pan Pacific Open

MANILA, Philippines — Maghaharap sina Pinay tennis sensation Alex Eala at Russian star Diana Shnaider sa quarterfinals ng 2026 Toray Pan Pacific Open sa Tokyo, Japan.
Itinakda ang rematch ng World No. 19 na si Eala at ng No. 13 na si Shnaider matapos sibakin sina Talia Gibson ng Australia, 4-6, 6-2, 6-0, at Aliaksandra Sasnovich ng Belarus 6-3, 6-7 (7), 6-3, sa Round of 16, ayon sa pagkakasunod.
“I think Diana’s been having a really great season, obviously, and playing super well,” sabi ni Eala kay Shnaider.
Noong nakaraang linggo ay nagtuos din sina Eala at Shnaider sa Round of 16 ng Ningbo Open sa China.
Tinalo ng 22-anyos na Russian netter ang 21-anyos na Pinay ace, 7-5, 6-4.
Sumampa si Shnaider sa semifinals kung saan siya natalo sa nagreynang si Elena Rybakina.
Binuksan ni Eala ang kampanya sa Pan Pacific Open sa 6-1, 6-2 dominasyon sa 17-anyos na si British wildcard Mika Stojsavljevic sa Round of 32 bago talunin si Gibson sa Round of 16.
Naglalaro si Eala sa Pan Pacific Open, isang WTA 500 event, bilang No. 8 seed, habang No. 3 naman si Shnaider.
Matapos ang torneo ay sasalang si Eala sa Hong Kong Tennis Open na nakatakda sa susunod na linggo.
- Latest

















