Road warriors biyaheng semis
MANILA, Philippines — Biyaheng semifinals na ang NLEX sa unang salang pa lang ng bagong head coach na si Jimmy Alapag matapos gulpihin ang Phoenix, 137-89, sa panapos na Game 3 ng PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Bumulusok sa 42 puntos ang Road Warriors at wala nang preno-preno pa buhat doon tungo sa pambihirang 48-puntos na tagumpay at 3-0 sweep sa best-of-five quarterfinal series sa Fuel Masters diretso sa best-of-seven semis.
Wagi ang NLEX sa Game 1, 97-92, at Game 2, 124-117.
Ito pa lang ang ikatlong semis appearance ng NLEX sa franchise history simula nang pumasok sa PBA noong 2014 subalit una sa limang taon buhat noong 2021 PBA Governors’ Cup.
Para sa star guard na si Robert Bolick, ito ang kanyang unang tikim sa semis at sa una palang ay determinado na itong sungkitin matapos pumukol ng 16 puntos agad sa first quarter kung saan mata lang ang walang latay para sa karibal nilang Phoenix, 43-21.
Sa kabuuan, nagtapos si Bolick na may 23 puntos, 4 rebounds at 5 assists, habang may tig-19 puntos sina import Deonte Burton at Schonny Winston para sa mga bataan ni coach Jimmy Alapag.
Nag-ambag din ng tig-12 puntos sina Kevin Alas at LJay Gonzales, may 10 puntos si Enoch Valdez.
“First and foremost, I want to give honor to God for the win tonight. I’m extremely proud of our guys. One thing that stood out when I came back was the work ethic. Sobrang sipag nila lahat. I’m grateful to have the opportunity to coach them not only into the semifinals but also for a chance of getting it right,” ani Alapag, dating assistant coach ng Sacramento Kings sa NBA at Stockton Kings sa NBA G-League.
“Bihirang-bihira ‘yung ganitong opoortunity, so bakit pa namin sasyangin. Para ito sa buong NLEX fans, ilang beses na kami nabigo eh. Ngayon nakapunta kami ng semis, pero sabi nga ni coach bakit tayo mangangarap ng hanggang semis lang kung kaya naman natin mag-finals,” dagdag ni Bolick.
Matapos ang tambak sa first quarter, dire-diretso na ang byahe ng NLEX.
- Latest





















