Transnational syndicate sangkot sa P3.5 bilyon shabu shipment

MANILA, Philippines — Iniugnay umano ang transnational syndicate na Sam Gor sa tangkang pagpapadala sa Pilipinas ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 bilyon mula Laos.
Nabatid na ipinaalam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kay Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs ang umano’y pagkakasangkot ng grupo sa nabigong operasyon. Binigyang-diin niya ang pangangailangang matukoy hindi lamang ang mga courier kundi pati ang mga financier at sindikatong nasa likod ng kalakalan ng droga.
Iniugnay rin umano ng PDEA ang Sam Gor sa mga kargamento ng shabu na narekober sa karagatan malapit sa Zambales, Pangasinan at Ilocos noong kalagitnaan ng nakaraang taon. Tinatayang P7 bilyon ang halaga ng mga nakumpiskang droga.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, nakalagay sa mga supot ng tsaa na may markang Tsino ang mga paketeng narekober sa mga baybayin. Aniya, isa ito sa mga palatandaang iniugnay sa Sam Gor, na umano’y binubuo ng limang grupong triad: 14K, Bamboo Union, Big Circle Gang, Sun Yee On at Wo Shing Wo.
Inilalarawan sa mga internasyonal na ulat ang Sam Gor bilang isang malaking kriminal na network na sangkot sa kalakalan ng methamphetamine at iba pang ilegal na droga sa Asia-Pacific. Kabilang sa mga bansang iniulat na pinag-ooperasyunan ng mga kaalyado nitong grupo ang Laos, Cambodia, Myanmar, Thailand, Australia, New Zealand, South Korea, Japan, China, Taiwan, Vietnam at Pilipinas.
Samantala, pinadalhan na ng subpoena ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit 21 katao upang kunin ang kanilang pahayag kaugnay ng 521 kilo ng shabu mula Laos na nakatakdang ipasok sa Pilipinas.
- Latest






















