Anti-drug task force isinusulong
Matapos ang P3.5 bilyong drug bust
MANILA, Philippines — Matapos ang pagkakasamsam sa Laos ng P3.5 bilyong halaga ng ilegal na droga na umano’y nakatakdang ipuslit sa Maynila sakay ng chartered aircraft, isinusulong ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos ang pagtatatag ng National Anti-Illegal Drug Task Force.
Ayon kay Santos, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, ipinakikita ng insidente ang pangangailangan para sa mas mahigpit na koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan, mas mabilis na pagbabahagi ng intelligence information at pinaigting na pagbabantay sa mga internasyonal na sindikato ng droga.
Sa liham kay Interior and Local Government Secretary Juanito Victor Remulla, sinuportahan ni Santos ang panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na maglabas ng executive order para pormal na maitatag ang task force.
Aniya, kailangan na matukoy hindi lamang ang mga direktang sangkot sa pagpupuslit kundi pati ang mga financier at network sa likod ng operasyon.
Binanggit ni Santos ang Executive Order No. 15, series of 2017, na nagtatakda sa pagtatatag ng National Anti-Illegal Drug Task Force sa ilalim ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs. Gayunman, ayon sa kanya, hindi pa ito ganap na naisasakatuparan bilang isang gumagana, institusyonalisado at sapat na pinopondohang yunit.
- Latest




















