Letran tatapusin kamalasan vs Lyceum
MANILA, Philippines — Sadsad ang Letran sa huling dalawang laro kaya nasa isip nila na tuhugin ang Lyceum of the Philippine University sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament sa Playtime FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Bulagta ang Knights sa No. 2 spot sa team standings sa Group B tangan ang 3-2 karta matapos ang masasaklap na kabiguan sa Arellano University Chiefs, 81-82, at sa defending champion San Beda University Red Lions, 65-74 (overtime).
Maghaharap ang Letran at Lyceum ngayong alas-3 ng hapon kasunod ang banatan ng San Beda at University of Perpetual Help System DALTA sa alas-5 ng hapon.
Ipaparada ng Knights sina Jimboy Estrada, Titing Manalili at Kevin Santos upang tuldukan ang two-game losing skid at muling makakapit sa tuktok ng Group B na kasalukuyang inuupuan ng Chiefs dala ang 4-2 record.
Para sa Pirates, mas inaalat sila dahil tatlong sunod na silang hilahod kaya nasa ilalim ng Group A pasan ang 1-4 card.
Samantala, puntirya ng Red Lions na ikadena ang pangatlong sunod na panalo pagharap nila sa Altas na galing sa dalawang sunod na kabiguan.
Nasa tersero puwesto sa Group A ang San Beda sakmal ang 4-2 baraha, habang 2-3 ang kapit ng Perpetual at nasa pangatlo sa Group B.
Isasangkalan ng Red Lions sina Aldous Toculas, Dan Marcelo at Andrei Ugaddan.
- Latest















