Bebot na suspek sa jewelry store robbery sa Bulacan, arestado
KAMPO HENERAL ALEJO SANTOS, Bulacan , Philippines — Arestado ang isang babae na sinasabing kabilang sa mga suspek sa robbery sa isang jewelry store sa Malolos City, Bulacan.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Mary,” 44-anyos, na naaresto dakong alas-3:30 ng hapon nitong October 5 sa Molave, Zamboanga del Sur.
Ayon sa Malolos City Police Station, resulta ang pagkakaaresto ng tuluy-tuloy na hot pursuit at follow-up operations, katuwang ang ilang police units mula sa Bulacan at Zamboanga del Sur.
Naganap ang robbery sa Jewelry Access Co. sa Barangay Lugam noong October 1.
Batay sa CCTV at follow-up investigation, anim na lalaki ang unang tumakas sakay ng dalawang motorsiklo. Apat sa mga ito ang lumipat sa isang itim na Mitsubishi Adventure, habang ang dalawa ay nagpatuloy sakay ng mga tricycle.
Dalawang suspek ang unang naaresto noong October 2, habang dalawa pa ang nadakip noong October 3 sa Santa Rosa City, Laguna.
Nakilala rin ng isang testigo ang mga suspek at ang Mitsubishi Adventure na umano’y ginamit sa pagtakas. Samantala, isinampa na sa City Prosecutor’s Office of Malolos ang mga kaukulang reklamo laban sa apat na naarestong suspek at anim pang suspek na nananatiling pinaghahanap.
- Latest




















