Gilas makakasama na si Boatwright sa 5th window ng 2027 WC Asian Qualifiers
MANILA, Philippines — Namumuro si Bennie Boatwright na maging pambatong naturalized player ng Gilas Pilipinas sa krusyal na ikalimang window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa susunod na buwan sa Seramban, Malaysia.
Umaasa si head coach Tim Cone na naayos na lahat ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang kinakailangang papeles upang makapaglaro na sa wakas ang 6-foot-10 versatile forward kontra sa Syria at sa Jordan.
Noong Hulyo pa naipasa sa Kongreso ang naturalization bill ni Boatwright at naisabatas noong Agosto subalit hindi umabot ang kanyang pasaporte para sana masamahan ang Gilas sa 20th Asian Games at sa Window 4 ng Asian Qualifiers.
Dahil may iniinda pang injury ang isa pang naturalized player na si Justin Brownlee, napilitan ang Gilas na maglaro ng all-Filipino sa naturang mga torneo at nauwi sa dalawang magkaibang koponan.
At resulta nito, wagi ang Team ng A Gilas kontra sa Jordan, 82-81, at Iran, 68-56, para makahabol sa 4-4 kartada sa Group E subalit taob sa group phase ng Asian Games palang ang all-PBA Gilas team upang bigong madepensahan ang korona nito.
Sa posibleng availability ni Boatwright sa Nobyembre 27 kontra sa Syria at sa Nobyembre 29 laban naman sa Iran ay malaki ang pag-asa ng Gilas na maipagpatuloy ang momentum.
Nasa ikaapat na puwesto ng Group E ngayon ang Gilas subalit ga-hibla lang ang lamang ng Jordan at Iran na parehong may 5-3 kartada.
Tanging ang Top 3 teams lang kada grupo kasama ang Group F ang makakapasok sa World Cup pati ang best No. 4 team ng pinagsamang grupo.
Ito ang asinta ng Gilas sinuman ang maging kasamang naturalized player lalo’t wala pang kasiguruhan ang pagbabalik ni Brownlee, na nagtamo ng leg at hamstring injuries sa Window 3 noong nakaraang Hulyo.
Taliwas sa Asian Games kung saan mas mahinang koponan ang naiparada ng Gilas, full force na koponan ang inaasahan na makakasama ni Boatwright sa Window 5 ng Asian Qualifiers dahil sa mandatory breaks ng PBA, Japan at Korean leagues kung saan naglalaro ang core ng mga bataan ni Cone.
- Latest















