Pagong na may dalawang ulo, natagpuan sa Massachusetts!
Isang pambihirang baby turtle na may dalawang ulo ang natagpuan sa Cape Cod, Massachusetts at kasalukuyang mino-monitor ng mga beterinaryo sa isang wildlife center.
Ang maliit na diamondback terrapin ay nadiskubre ng mga volunteer ng Mass Audubon Wellfleet Bay Wildlife Sanctuary sa isang protected nesting site. Dinala ito noong Setyembre 17 sa Cape Wildlife Center sa Barnstable upang masuri ang kondisyon nito.
Nang dumating sa center, 5.2 grams lamang ang timbang ng pagong, halos kasingbigat ng isang barya.
Ipinanganak ang hatchling na may tinatawag na bicephaly, isang rare congenital condition kung saan nagsisimulang mahati ang embryo na parang bubuo ng kambal ngunit hindi ito tuluyang naghiwalay, kaya maaaring mabuo ang isang hayop na may dalawang ulo.
Sa ngayon, sinabi ng mga beterinaryo na normal naman ang kilos ng pagong. Nakakakain, nakakalangoy at aktibo ito, bagama’t kapansin-pansin umano ang magkaibang “personality” ng dalawang ulo.
Ayon sa wildlife center, mas aktibo ang kaliwang ulo at nangangagat na umano ito mula pa noong unang araw na dumating sa center.
Hindi pa matukoy kung lalaki o babae ang pagong dahil masyado pa itong bata.
Hindi rin ito ang unang two-headed diamondback terrapin na nakita sa lugar. Ayon sa Cape Wildlife Center, ito na ang ikatlong kaso na kanilang inalagaan sa nakalipas na anim na taon. Lima naman ang naiulat ng Mass Audubon Wellfleet Bay Wildlife Sanctuary sa Cape Cod mula noong early 2000s.
Kapag lumaki pa ang pagong, plano ng mga beterinaryo na gumamit ng CT scan at X-ray upang malaman kung paano nakaayos ang mga internal organs, blood vessels at iba pang bahagi ng katawan nito.
Kung mapatunayang malakas at sapat ang kalusugan nito upang mabuhay nang mag-isa, maaaring pakawalan at ibalik ang pagong sa kalikasan. Ngunit kung hindi, posibleng manatili ito sa wildlife center.
Samantala, pinakakain ito sa wildlife center ng chopped fish, bloodworms, brine shrimp at vitamin pellets habang patuloy na mino-monitor ang paglaki at kalusugan nito.
- Latest
















