Kuta ng TBS sa Metro Manila gagalugarin

MANILA, Philippines — Gagalugarin ng pulisya ang mga lugar na posibleng pinaglulunggaan ng grupong True Brown Style o TBS na itinuturong groomer ng mga kabataang recruits para magsagawa ng iba’t ibang krimen, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Martes.
Layunin ng hakbang na mapigilan ang posibleng mga kriminal na aktibidad ng mga miyembro ng organisasyon.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, sa gabay ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na naglalarawan sa TBS bilang isang matagal nang umiiral na organisasyon na nagmula sa United States at kalaunan ay nagkaroon ng presensiya sa Pilipinas.
Nauna nang sinabi ni Secretary Remulla na iniuugnay ang grupo sa mga kriminal na aktibidad, kabilang ang umano’y pagnanakaw sa mga convenience store bilang bahagi ng initiation ng mga miyembro nito.
Inatasan ni NCRPO chief PBGen. Christopher Abrahano ang lahat ng district director at mga kinauukulang police unit na palakasin ang intelligence gathering, koordinasyon at mga police operation upang matukoy ang mga miyembro ng grupo, alamin ang kanilang mga aktibidad at mapigilan ang patuloy na recruitment.
Nanawagan din siya sa mga magulang, lider ng komunidad, at mga residente na agad i-report sa pulisya ang anumang impormasyon hinggil sa recruitment ng mga menor-de-edad o iba pang kriminal na aktibidad.
- Latest


















