14 katao kinasuhan ng BOC sa DOJ

Misdeclaration ng agricultural products
MANILA, Philippines — Sinampahan ng reklamo ng Bureau of Customs (BOC) kahapon sa Department of Justice (DOJ) ang 14 na indibidwal, kabilang ang siyam nilang tauhan, kaugnay ng umano’y pag-misdeclare ng agricultural products sa Port of Subic.
Ayon sa BOC, anim na reklamo ang inihain nila laban sa mga naturang indibidwal dahil sa umano’y paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Nabatid na kabilang sa mga sinampahan ng kaso ng BOC ay ang may-ari at mga kinatawan ng Berches Consumer Goods Trading at mga Customs official, na siyang in charge sa pagsusuri at pag-appraise ng mga nasabing produkto.
Sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na ang mga respondents ay nag-misdeclared ng mga puting sibuyas at carrots na nagkakahalaga ng P17.5 milyon.
Kaugnay nito, umaasa naman si Nepomuceno na ang naturang kaso ay magsisilbing babala sa kanilang mga tauhan na tiyak aniyang pananagutin nila sa batas sakaling mapatunayang may pagkakamali ang mga ito.
Binalaan din naman ng Customs chief ang publiko laban sa panganib nang pagkonsumo ng mga puslit na produkto.
“Delikado kapag smuggled. Hindi natin alam dahil merong epekto sa kalusugan. Hindi sila kumukuha ng tamang permiso sa Department of Agriculture, in particular halimbawa sa DTI (Department of Trade and Industry)… Delikado,” aniya pa.
Tiniyak naman ni Nepomuceno na ang kanilang mga tauhan na sangkot sa kaso ay isinailalim na nila sa preventive suspensiyon.
- Latest




















