PISTON, ikakasa tigil-pasada sa Setyembre 29-30
Dahil sa patuloy na oil price hike
MANILA, Philippines — Magkakasa ang transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ng dalawang araw na transport strike sa susunod na linggo upang iprotesta ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Mody Floranda, pangulo ng PISTON, isasagawa nila ang malawakang tigil-pasada sa Martes, Setyembre 29, at Miyerkules, Setyembre 30. Sa pagtaya ni Floranda, nasa hanggang 70,000 tsuper at operators ang inaasahan nilang lalahok sa tigil-pasada.
Dagdag pa niya, inaasahan din nilang makikiisa sa naturang protesta maging mga labor at urban poor groups at mga commuters.
Layunin aniya nitong ipanawagan sa pamahalaan ang pagsasagawa ng agarang aksiyon laban sa lingguhang big-time oil price hike sa bansa.
Binigyang-diin pa ng transport leader na hindi sila titigil sa pagpuprotesta hanggang hindi inaalis ng pamahalaan ang excise tax at value added tax sa mga produktong petrolyo upang maibaba ang presyo ng mga ito.
Kabilang aniya sa mga ruta at lugar sa Metro Manila na maaaring maapektuhan ng ikakasa nilang tigil-pasada ay ang Cubao-Marikina-Antipolo, Commonwealth, España, Monumento, Novaliches, Baclaran, Pasig, Taguig, Sucat at Alabang.
Umapela rin naman siya ng pang-unawa sa mga commuters na inaasahang maapektuhan ng strike.
- Latest























