Alas Women minalas sa quarterfinals spot

MANILA, Philippines — Tuluyan nang natapos ang misyon ng Alas Pilipinas na makasampa sa quarterfinals ng 20th Asian Games women’s indoor volleyball competition.
Ito ay matapos makalasap ang mga Pinay spikers ng 29-27, 24-26, 23-25, 19-25 pagkatalo sa Kazakhstan kahapon sa Okazaki Chuo Sogo Park Gym sa Aichi, Japan.
Laglag ang Alas Women sa 0-2 sa Pool B matapos ang naunang 18-25, 22-25, 8-25 kabiguan sa defending champion at nine-time gold medalist China noong Miyerkules.
Tututok na lamang ang tropa ni Japanese coach Taka Minowa sa classification round kung saan ang pang-siyam na puwesto ang maaaring pinakamataas nilang makuha sa 14-team tournament.
Papalo ang classification round sa Linggo.
Tumapos sa pang-walong posisyon ang Alas Women sa huling Asiad appearance noong 2018 sa Jakarta, Indonesia.
Bumira si Angel Canino ng game-high 24 points, habang may 20 markers si Alyssa Solomon para muling banderahan ang mga Pinay hitters.
Apat na Kazakhs ang naglista ng double digits sa pangunguna ni Tatyana Nikitina na may 19 points, habang may 17 at 14 markers sina Zhanna Syroyeshkina at Polina Ufimtseva, ayon sa pagkakasunod.
Bumangon ang Alas Women mula sa 14-18 agwat sa first set hanggang umiskor si Canino ng isang running attack na sinundan ng crosscourt hit ni Laure para agawin ang 29-27 panalo.
Bumawi ang Kazakhs sa second at third frame para kunin ang 2-1lead sa likod nina Nikitina at Ufimtseva bago tuluyang kumpletuhin ang kanilang four-set victory.
- Latest























