Parak sugatan, 700 residente nagsilikas sa Cotabato
Karahasan dulot ng BARMM polls patuloy
COTABATO CITY , Philippines — Isang pulis ang sugatan habang 700 residenteng Moro ang nagsilikas dahil sa patuloy na iringan at sagupaan ng mga tagasuporta ng dalawang magkalabang partido sa katatapos na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections sa isang barangay sa bayan ng Nabawalag, sa Bangsamoro Special Geographic Area, Cotabato province kahapon ng umaga.
Ayon sa mga lokal na opisyales at tradisyunal na Moro datus, nagpaulan ng bala sa kanilang engkuwentro sa Sitio Bentad, Brgy. Olandang, Nabalawag gamit ng assault rifles ang dalawang grupo na tagasuporta ng magkalabang kandidato sa katatapos Bangsamoro parliamentary elections nitong Lunes.
Sinabi ni Captain Steffie Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na isa sa mga pulis na ipinadala sa lugar para mag-imbestiga sa insidente ang sugatan makaraang tamaan ng bala dahil sa barilan ng dalawang grupo.
Kinilala ang pulis na si Patrolman Alfadz Umal, nakatalaga sa PRO-BAR’s Regional Mobile Force Battalion 14. Siya ay nagtamo ng tama ng bala sa kanang hita na agad isinugod sa ospital para malapatan ng lunas.
Ayon sa mga local executives sa Midsayap at mga opisyal ng Cotabato Provincial Police Office, ang karahasan sa Sitio Bentad, Barangay Olandang ay sanhi upang mag-evacuate sa kanilang lugar ang nasa 700 Morong residente sa mas malayonh barangay dahil sa takot na mas lumala pa ang election-related hostilities.
- Latest

















