Dating traffic enforcer, kalaboso sa kotong
MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang dating traffic enforcer matapos umanong magpanggap na aktibong enforcer at manghingi ng “protection money” sa isang trucking firm sa Parañaque City.
Napag-alaman na bumalik nitong Setyembre 9 ang 42-anyos na suspek sa kompanya sa Brgy. San Martin de Porres upang mangikil kapalit ng hindi pag-iisyu ng traffic citation sa mga delivery truck.
Agad tumawag ng pulis ang mga empleyado nang igiit ng suspek ang hinihinging pera. Tinangka nitong tumakas sakay ng motorsiklo ngunit nakipagbuno sa mga pulis bago tuluyang naaresto.
Sa beripikasyon sa Taguig City Traffic Management Office, napag-alamang dating traffic enforcer ang suspek ngunit matagal nang hindi aktibo at hindi na balido ang kanyang credentials.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong attempted robbery-extortion, usurpation of authority at resistance and disobedience to a person in authority. Nasa kustodiya na siya ng Parañaque City Police Station habang isinasagawa ang inquest proceedings.
- Latest




















