Call center agent tiklo sa ‘kush’ sa Taguig

MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang call center agent matapos umanong mag-iwan ng package na naglalaman ng 420 gramo ng marijuana kush na nagkakahalaga ng P630,000 sa front desk ng isang establisyimento sa Brgy. Ususan, Taguig City, nitong Setyembre 7.
Ayon sa Southern Police District (SPD), iniwan ng suspek na si alyas “April”, 24, residente ng Brgy. North Signal, Taguig City, at itinuturing na high-value individual (HVI) ang package alas-11:30 ng gabi nitong Setyembre 6 at bumalik ala-1:15 ng madaling araw upang ito ay kunin.
Bago ito, naamoy ng K9 ng isang security personnel ang kahina-hinalang kahon sa ilalim ng front desk kaya nang inspeksyunin ng mga pulis, natuklasang naglalaman ito ng marijuana kush na nakatago sa kahon kasama ng apat na pakete ng Kraft Mac & Cheese.
Nang balikan ni “April” ang package, agad siyang nakilala sa CCTV at pinigilan ng security personnel hanggang sa dumating ang mga pulis na umaresto sa kanya. Nai-turn over na siya sa Station Drug Enforcement Unit ng Taguig City Police Station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
Ayon kay SPD District Director PBrig. Gen. Rodel Pastor, nagpapalakas sa kampanya kontra ilegal na droga ang patuloy na pakikipagtulungan ng mga establisyemento at komunidad sa pulisya.
- Latest























