LTFRB magbubukas ng special permit application para sa Undas 2026
MANILA, Philippines — Simula sa Setyembre 21, tatanggap na ng aplikasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa special permit ng mga pampublikong utility vehicle (PUV) na bibiyahe sa labas ng kanilang regular na ruta ngayong Undas.
Ayon sa LTFRB, hanggang sa Oktubre 2 ang patanggap ng application upang mabigyang panahon ang pagsusuri sa mga dokumento at roadworthiness ng mga pampasaherong sasakyan bago ang All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Nobyembre.
Sinabi ni Acting LTFRB Chairman Greg G. Pua Jr. na layunin ng maagang paghahanda na matiyak ang ligtas at komportableng biyahe ng milyun-milyong pasaherong inaasahang uuwi sa kanilang mga lalawigan para dalawin ang puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Ani Pua, sisikapin ng LTFRB na magkaroon ng sapat na bilang ng mga bus at iba pang pampublikong sasakyan upang matugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga biyahero at maiwasan ang pagka-stranded ng mga pasahero.
Ang paghahanda ay isinagawa bilang tugon sa direktiba ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez na tiyaking may sapat, maaasahan at komportableng pampublikong transportasyon para sa mga biyahero sa panahon ng Undas.
- Latest






















