^

PSN Opinyon

EDITORYAL - ‘Confidential’ laban sa accountability

Pilipino Star Ngayon

Noong Martes, Day 21 ng impeachment trial ni VP Sara Duterte, muling napag-usapan ang mga kakaibang pangalan na lumitaw sa acknowledgment receipts na isinumite bilang patunay sa paggamit ng confidential funds.

Sa pagtestigo ni dating Education Under­secretary Michael Poa, sinabi niyang noong congressional hearings lamang niya nakita ang mga pangalang gaya ng “Mary Grace Piattos.”

Ito ay kahit siya mismo ang naghanda ng tugon ng DepEd sa audit observation ng Commission on Audit tungkol sa paggamit ng confidential funds.

Ayon kay Poa, nang hingin niya ang documents evidencing payments, ibinigay sa kanya ang mga ito sa sealed envelope. Nang hilingin niyang makita ang laman, sinabihan umano siyang confidential ang mga dokumento. Isang sample acknowledgment receipt lamang ang ipinakita sa kanya.

Dito dapat ituon ang usapan. Hindi awtoma­ti­kong masama ang paggamit ng alias sa isang confidential operation. May mga pagkakataong kailangang protektahan ang pagkakakilanlan ng informants o iba pang taong sangkot sa sen­sitibong operasyon.

Pero ibang usapan kapag pera ng bayan na ang ginastos.

Ang pagiging confidential ay hindi dapat ma­ngahulugan na hindi na kailangang patunayan kung may totoong transaksyon, kung lehitimo ang pinaglaanan, at kung talagang napunta roon ang pera.

Sa kaso ng DepEd, naglabas ang COA ng audit observation kaugnay ng P112.5 milyong confidential funds dahil sa kakulangan ng sup­porting documents. Sa mga sumunod na congressional hearings, lumitaw ang mga hindi matunton at kuwestiyonableng pangalan sa mga dokumento.

Hindi pa nito awtomatikong pinatutunayang peke ang mga pangalan o may naganap na pag­lustay. Iyan mismo ang kailangang patunayan sa tamang proseso.

Pero hindi rin sapat na sabihing confidential ang operasyon para matapos ang tanong.

Maaaring hindi kailangang malaman ng publiko ang tunay na pangalan ng isang informant. Ngunit kailangang may awtorisadong institus­yong makapagpapatunay na may totoong taong tumanggap, may lehitimong dahilan sa pagbabayad, at may dokumentong susuporta rito.

Kung walang ganitong paraan ng beripikas­yon, napakadaling gawing panangga ang sali­tang “confidential” laban sa accountability.

SARA DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with