Team Philippines send-off para sa Aichi-Nagoya Asiad
MANILA, Philippines — Itinakda ng Philippine Sports Commission (PSC) ang official send-off ng Team Philippines para sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre 10 sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.
Gusto ni PSC chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio na bigyan ng lakas ng loob at kumpiyansa ang national delegation na makikipag-agawan ng medalya sa nasabing quadrennial event.
“Marami na pong paalis diyan kasi ang basketball kung hindi ako nagkakamali September 5 simula na eh. Mauuna na iyong basketball, may mga paligsahan na, iyong football for sure mauuna na din iyan,” ani Gregorio.
Nakatakda ang Aichi-Nagoya Asian Games sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Bukod kay Gregorio, inaasahan ding mangunguna sa send-off si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino.
Kumpiyansa sina Gregorio at Tolentino na malalampasan ng Team Philippines ang nahakot na apat na gold medals sa nakaraang Asiad sa Hangzhou, China noong 2022.
Kumolekta ang mga Pinoy athletes ng kabuuang apat na gold, dalawang silver at 12 bronze medals para tumapos sa No. 17 spot sa Hangzhou Asiad.
Inaasahang sisikwat ng gold sa Aichi-Nagoya Asiad sina 2024 Paris Olympics double-gold medalist Carlos Yulo sa gymnastics, tennis sensation Alex Eala, pole vaulter EJ Obiena at weightlifter Elreen Ando pati na ang mga national boxers.
- Latest





















