Nag-propose pero hindi pa handang pakasal
Dear Dr. Love,
Matagal na kaming magkasintahan ng girlfriend ko mula pa noong high school. Ngayon ay pareho na kaming graduate at dalawang taon nang nagtatrabaho. Ang problema, palagi na siyang nagpaparinig kung kailan kami magpapakasal.
Dahil sa pressure at selos na nararamdaman niya, napabili ako ng engagement ring at nag-propose, kahit wala pa talaga akong balak mag-asawa sa ngayon.
Gusto ko lang sanang pakalmahin ang kaba niya na baka hindi ko siya pakakasalan. Pero mas malaki pa palang pressure ang dumating matapos ang proposal dahil hindi lang siya ang nagtatanong, kundi pati pamilya, mga kaibigan, at halos lahat ng tao sa paligid namin kung kailan ang kasal.
Ang totoo, hindi pa ako handa. Kailangan ko pang mag-ipon para sa kinabukasan namin. Kaya pakiramdam ko, nagkamali ako ng diskarte nang mag-propose nang maaga. Tama ba ako?
Jojo
Dear Jojo,
Sabi nga nila, bago magpakasal ay kailangan mong mag-isip nang daang beses. Tama na ipinakita mo sa kanya na siya ang babaeng pinili mong makasama sa buhay, pero mahalaga ring ipaliwanag na hindi madali ang pag-aasawa.
Karaniwan sa mga babae ang may timeline sa kasal, kaya ipaalam mo sa kanya na mas makabubuti kung mag-iipon muna kayo.
Mas mahirap ang buhay kung magpapakasal nang walang sapat na paghahanda.
Ang engagement ay simbolo ng commitment, pero hindi ibig sabihin ay agad-agad na kasal.
Ang pinakamaha-laga ay maging tapat ka sa kanya tungkol sa plano mo at sa dahilan kung bakit kailangan pang maghintay.
Sa ganitong paraan, mas mauunawaan niya na ang pagpapakasal ay hindi lang tungkol sa pagmamahalan, kundi sa tamang oras at matibay na paghahanda. Best wishes in advance!
Dr. Love
- Latest



















