Bistado si mister na may ka-chat sa dating apps
Dear Dr. Love,
Napansin ko na laging nakatutok ang mister ko sa cellphone. Panay ang ngiti niya na para bang kinikilig. Dahil sa kutob, gumawa ako ng ibang account para malaman ang kanyang pinagkakaabalahan.
Nabuking ko ang chat niya sa dating apps. Sa mga kausap niya, sinasabi niyang biyudo raw siya, minsan naman hiwalay na, o kaya’y hindi na mahal ang misis. Ang masakit, idinadahilan pa niya na bilang lalaki ay may pangangailangan siyang hindi raw maibigay ng asawa.
Nanlumo ako sa mga pahayag na iyon, lalo na’t pagkataqpos ng lahat ng sakripisyo ko para sa kanya at sa dalawang anak namin.
Hindi lang pala chat — nakikipagkita pa siya at nagho-hotel kasama ang mga ka-chat. Kaya pala madalas niyang sinasabi na wala nang natitira sa suweldo niya.
Naiisip ko na wala nang pupuntahan ang pagsasama namin. Kahit pakitang-tao siyang mabait sa bahay, may milagro pala siyang ginagawa sa labas.
Saan ba ako magsisimula para komprontahin ang cheater kong asawa?
Neneng
Dear Neneng,
Mas madali na ngayon para sa mga mister na matukso sa chat at dating apps. Nagsisi-mula lang sa libangan, hanggang sa mahulog na sila sa tukso. Kaya huwag mo nang patagalin pa ang nalaman mo.
Walang ibang paraan kundi kausapin mo siya nang masinsinan. Gawin mo ito sa tamang timing kung saan pareho kayong mahinahon. Sikapin mo rin na hindi gaya ng pag-atake ang dating ng inyong pag-uusap.
Alam ko na hindi magiging madali, dahil hind malayong balot na nang inis ang kalooban mo dahil sa pagtatraydor ng iyong mister sa inyong pagsasama bilang mag-asawa.
Pero mahalagang maging malinaw ang lahat sa pagitan ninyo.
Itanong mo kung saan ka nagkulang at kung may dahilan pa para magsama ka-yong mag-asawa.
Maaaring maging pabor, dahil pwede siyang magsisi at hu-mingi ng tawad sa’yo. Pero hindi rin naman pososible na kabaliktaran ang maging reaksiyon niya.
Kaya makakabu-ting ihanda mo ang iyong sarili sa maaa-ring makita at marinig mong mga salita na lalabas sa bibig ng iyong asawa.
Magpakatatag ka at sikapin na maging malawak ang pang-unawa para anuman ang magiging kahihinatnan ng inyong pag-uusap ay makakatiyak sa iyong sarili na wala kang pagsisihan sa huli. Hindi ko inire-rekomenda na antimo ay maghiwalay kayo. Dahil naniniwala ako na hangga’t maaari ay dapat pag-usapan at pagsikapan na isalba ang pagsasama alang-alang sa binubo ninyong pamilya.
Pero kayo lang din mag-asawa ang magdedesisyon tungkol sa bagay na iyan, depende sa estado ng pagpapahalaga ninyo sa bawat isa.
Ang pagtatapat at pagharap sa katotohanan ang unang hakbang para hindi ka tuluyang masaktan nang palihim.
Dr. Love
- Latest

















