Palamura ang asawa
Dear Dr. Love,
Magandang araw po. Ako po si Lena. Hindi ko alam kung paano ko kakausapin ang mister ko tungkol sa isang bagay na matagal ko nang pinoproblema.
Palamura po kasi siya. Kahit sa simpleng bagay, kapag naiinis, nagagalit o may hindi nagugustuhan, mabilis siyang makapagmura. Minsan, kahit nandiyan ang aming tatlong taong gulang na anak, hindi niya napapansin na nakikinig pala ito.
Ang anak namin ay maliit pa, pero napapansin kong mabilis siyang gumaya sa mga naririnig niya. Kaya natatakot ako na baka dumating ang panahon na maulit niya ang mga salitang naririnig niya sa ama niya.
Ayaw kong lumaki ang anak namin na iniisip na normal lang ang pagmumura kapag galit o naiinis.
Hindi ko naman gustong iparamdam sa mister ko na masama siyang ama. Alam kong mabuti siyang magulang at nagsisikap para sa amin. Pero sana maintindihan niya na hindi lang kami ng anak niya ang nakakarinig sa bawat salitang binibitawan niya.
Para sa aming anak, maaaring maging aral ang bawat salitang naririnig niya sa kanyang ama.
Dr. Love, paano ko po siya kakausapin nang hindi siya magagalit o isipin na kinokontrol ko siya?
Gusto ko lang naman na matuto kaming ma-ging mabuting halimbawa para sa aming anak.
Lena
Dear Lena,
Tama ang iyong pangamba. Sa murang edad, ang bata ay parang espongha—madaling sumipsip ng mga salita at asal na palagi niyang naririnig sa kanyang paligid.
Kung paulit-ulit niyang maririnig ang pagmumura, maaaring isipin niyang bahagi lamang ito ng normal na pakikipag-usap o paraan ng pagpapahayag ng galit.
Ngunit huwag mong lapitan ang iyong mister sa paraang tila hinuhusgahan mo siya. Kausapin mo siya sa panahong pareho ka-yong kalmado.
Sabihin mong hindi mo siya gustong baguhin bilang tao; nais mo lamang na pareho kayong maging ma-buting halimbawa sa inyong anak.
Ipaliwanag mong darating ang araw na maaaring marinig ninyo sa bibig ng inyong anak ang mga salitang madalas niyang naririnig sa bahay.
At kung mangyari iyon, hindi lamang bata ang dapat sisihin—kundi ang mga nakatatanda na unang nagturo sa kanya, kahit hindi sinasadya.
Ang pinakamabisang paraan ng pagtuturo sa bata ay hindi sermon kundi halimbawa. Kung nais ninyong lumaking magalang ang inyong anak, magsimula kayo sa mga salitang ginagamit ninyo sa loob ng tahanan.
DR. LOVE
- Latest
















