Pinay sluggers nag-goodbye sa World Cup

MANILA, Philippines — Magkasunod na kabiguan ang nalasap ng Philippine national women’s baseball team na nagpaguho sa kanilang tsansang makalaro sa 2027 World Cup Final Stage.
Natalo ang World No. 21 Filipinas sa No. 5 Chinese Taipei, 0-4, bago minalas sa No. 5 Venezuela, 0-10, sa WBSC Women’s Baseball World Cup Group Stage kahapon sa Asia-Pacific Secondary Field sa Tainan, Taiwan.
Isinara ng mga Pinay sluggers ang kanilang kampanya sa 2-3 record.
Ang top three teams sa bawat Group Stage sa Taiwan, United States, Australia at Canada ang maglalaro sa 2027 World Cup Final Stage sa Hulyo 19 hanggang 25 sa Rockford, Illinois.
Nauna nang yumukod ang mga Pinay batters sa No. 1 Japan, 0-3, sa una nilang laban noong Martes.
Kinabukasan ay magkasunod na pinatumba ng Filipinas ang No. 7 Cuba, 6-0, at No. 15 Great Britain, 6-2, na nagpaganda sa kanilang baraha sa 2-1.
Ang nasabing demolisyon sa mga Cubans ang kauna-unahang panalo ng mga Pinay batters sa World Cup.
Ang Japan, Venezuela at Chinese Taipei ang sasabak sa 2027 World Cup Final Stage.
- Latest


















