Gilas babanat kontra Jordan

Sa FIBA World Cup Asian Qualifiers
MANILA, Philippines — Ibubuhos na ng Gilas Pilipinas ang buong lakas nito sa pagsagupa sa Jordan sa pagsisimula ng second round ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Lalarga ang duwelo ng Gilas Pilipinas at Jordan sa alas-8:30 ng gabi.
Mortal na magkaribal ang Pilipinas at Jordan na nagharap sa gold-medal match ng Asian Games noong 2023 sa Hangzhou, China.
Naitarak ng Pinoy cagers ang matamis na 70-60 panalo laban sa Jordan upang matuldukan ang mahigit anim na dekadang pagkauhaw ng Pilipinas sa gintong medalya sa Asian Games.
Kaya naman gigil ang Jordan na makaresbak sa Gilas Pilipinas.
Importante ang larong ito para sa Gilas Pilipinas na nasa ilalim ng standings tangan ang 2-4 baraha.
Kasalo nito sa No. 4 spot ang Syria na may katulad na marka.
Nangunguna ang Australia na may malinis na 6-0 rekord kasunod ang Jordan at Iran na parehong may 5-1 at ang New Zealand na may 4-2.
Sasabak ang Gilas Pilipinas na wala si naturalized player Justin Brownlee na nagpapagaling pa sa injury.
Ngunit masuwerte ang Gilas dahil maglalaro si Kai Sotto na inaasahang magdadala ng malakas na puwersa sa home team.
“He’s come full force. He’s brought all of his talent, all of his size, he’s really been impactful,” ani Gilas head coach Tim Cone.
Alam ni Cone na magbibigay ng sakit ng ulo si Sotto sa mga makakalaban ng Gilas Pilipinas.
“He’s going to cause problems for both teams. And he’s going to make everybody around him better. So he’s just a great addition. We’re just real happy to have him,” ani Cone.
Makakasama ni Sotto sa ratsada sina many-time PBA MVP June Mar Fajardo, AJ Edu at Carl Tamayo gayundin sina Dwight Ramos, Kevin Quiambao, at Scottie Thompson.
Matapos ang Jordan, sunod na makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang Asian champion Iran sa Linggo sa parehong venue.
- Latest























