10K school counselor associates ide-deploy ng DepEd hanggang Disyembre
MANILA, Philippines — Target ng Department of Education (DepEd) na makapag-deploy ng 10,000 School Counselor Associates (SCA) sa buong bansa bago matapos ang taon upang palakasin ang mental health support para sa mga mag-aaral.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, pinapabilis ng DepEd ang recruitment at deployment ng mga SCA kasunod ng mga insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan at pangangailangang matugunan ang mental health concerns ng mga estudyante.
Matapos aprubahan ng Civil Service Commission ang mga posisyon noong Hunyo 30, 2026, at likhain ng Department of Budget and Management ang 10,000 plantilla items para sa SCA I noong Hulyo 15, pinaikli ng DepEd ang standard hiring process sa 36 araw.
Batay sa datos ng DepEd, hanggang Agosto 27 ay 9,702 na SCA positions na ang nai-post sa kanilang digital hiring portal na Agile Gateway for Appointments and Placements (AGAP). Sa bilang na ito, 785 posisyon ang bukas para sa aplikasyon, 8,811 ang under assessment at 106 ang nasa appointment stage.
Samantala, 298 posisyon pa ang hindi naipo-post o naghihintay ng issuance ng Notice of Organization, Staffing and Compensation Action (NOSCA). Inaasahang matatapos ang assessment at appointment ng mga aplikante bago isagawa ang onboarding at deployment sa mga paaralan pagsapit ng katapusan ng taon.
- Latest























