Alfonso Siklab Pickleball team handa na

MANILA, Philippines — Handang-handa na ang Team Siklab Alfonso Pickleball team na humataw sa first leg ng Maharlika Pilipinas Pickleball Tour (MPPT) sa Oktubre sa Angeles, Pampanga.
Pamumunuan ni international tennis at pickleball champion Kim Sazara ang men’s team kasama sina Red Directo, Al Quiza at home grown talent Matthew Lao.
Sina Medelene Sazara, Novi Melendez, Cindy Nuguit, ang team captain ng Perpetual Altas soft tennis at lawn tennis team at brand ambassador ng Decathlon Philippines, at Dania Lee Abjuela ang bumubuo sa women’s squad.
Sinabi ni Alfonso Mayor at team owner Randy Salamat na nabuo ang tropa matapos ang ilang serye ng tryouts para mapili ang mga pinakamahusay na pickleball players.
“Ituturing po namin silang mga pamilya. As a team owner, isasama po namin sila sa pag-iikot sa iba’t-ibang mga business establishments to introduce the beauty of Alfonso. Maasahan din natin sila sa pag-promote ng ating bayan,” ani Mayor Salamat.
Nakatakda ang first leg ng MPPT sa Oktubre 3 at 4.
“Salamat po sa tiwala na ibinigay ninyo sa team. Umasa po kayo na ibibigay namin lahat para dalhin ang Bayan ng Alfonso with pride sa larangan ng pickleball,” ani team manager Keng Gaspar.
Puspusan na ang paghahanda ng koponan na pansamantalang nag-eensayo sa Villa Merci Pickleball court.
- Latest



















