Mangin babandera sa Team Philippine sa world meet
MANILA, Philippines — Babanderahan ni Southeast Asian Games champion Tachiana Kezia Mangin ang four-member Philippine national taekwondo team sa kampanya sa World Taekwondo Women’s Open Championships sa Taiyuan, China.
Makakasama ng 18-anyos na si Mangin, sumipa ng gold medal sa women’s flyweight division ng 33rd SEA Games sa Thailand noong Disyembre, sina Clarence Sarza, Baby Jessica Canabal at Czarina Mae Danganan.
Nakatakda ang world meet sa Agosto 28-30.
Kumpiyansa ang Philippine Taekwondo Association (PTA) na makakapag-uwi ng medalya ang tropa matapos sumailalim sa matinding pagsasanay sa Korea.
Makakalaban nila ang mga pambato ng Korea, China, Iran at Thailand.
Bukod kay Mangin, inaasahan ding mananalo ng gintong medalya sa kanyang event si Sarza na kumuha ng tanso sa 27th Asian Taekwondo Championships, habang malaki rin ang tsansa nina Canabal at Danganan na makasampa sa podium.
Ang pagsali sa nasabing torneo ay bahagi ng preparasyon ng PTA para sa dalawang mahahalagang kaganapan – ang 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa susunod na buwan at ang Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) sa Riyadh, Saudi Arabia sa Disyembre.
- Latest




















