100 website iba-block vs online content
KASABAY ng mainit na isyu ng school shooting sa bansa, naniniwala ang PLDT Inc., Smart Communications Inc., at Globe Telecom na hindi dapat maging palabas ang trahedya at hindi dapat gawing aliwan ang nakakasakit at takot na dulot ng karahasan.
Nagpasya na kasi ang malalaking telecommunications companies na higpitan ang kanilang kampanya laban sa mga website na nagpapakalat ng video ng school shootings at iba pang matitinding insidente ng karahasan.
Sinabi ng telcos na haharangin nila ang mga online platform na nagiging daluyan ng content na maaaring magpalala ng kultura ng karahasan.
Nasa 100 plus na website na umano’y nagho-host o nag-stream ng footage ng school shootings at iba pang violent content ang tinukoy at bina-block ng PLDT at Smart. Layunin nitong pigilan ang paggamit ng kanilang network sa pagpapakalat ng materyal na maaaring makasama lalo na sa mga kabataan.
Malinaw din ang mensahe ni PLDT Chief Operating Officer Butch Jimenez na hindi nila papayagan na gamitin ang kanilang teknolohiya upang gawing normal o gawing palabas ang tunay na karahasan. Hindi lamang ito usapin ng teknolohiya. Isa itong panawagan para sa pananagutan.
Sa panig naman ni Globe General Counsel Froilan Castelo, may tungkulin ang industriya ng telekomunikasyon na tumulong sa paglikha ng mas ligtas na online environment, lalo na para sa mga bata at kabataang mas exposed sa digital platforms.
Ang hakbang ng mga telco ay kasunod ng insidente sa Ateneo de Zamboanga University kung saan isang 14-anyos na estudyante ang bumaril at nakapatay ng kapwa mag-aaral bago rin nasawi. Mas naging kontrobersyal ang insidente dahil umano’y na-livestream ang bahagi ng pangyayari online.
Ito na ang ikalawang nakamamatay na school shooting sa bansa sa loob ng wala pang dalawang buwan. Noong Hunyo, tatlong estudyante ang nasawi at mahigit 20 ang nasugatan sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte.
Sa harap ng mga ganitong pangyayari, hindi sapat ang mabilis na pagresponde pagkatapos ng trahedya. Mas mahalaga ang pag-iwas, pagbabantay, at pagbuo ng mas ligtas na kapaligiran—kapwa sa paaralan at sa digital na mundo.
Malaking tulong din ang pagkilos ng Department of Education ng nationwide school safety drill upang ihanda ang mga guro, estudyante, at personnel sa pagtugon sa posibleng armadong pag-atake sa loob ng campus.
Sa panahon na isang click lamang ang pagitan ng impormasyon at impluwensya, nananatiling hamon kung paano mapapakinabangan ang teknolohiya nang hindi ito nagiging kasangkapan ng takot at karahasan.
- Latest



















