Gilas Women binalingan Senegal
MANILA, Philippines — Ibinunton ng Gilas Pilipinas Women ang kanilang galit sa Senegal, 79-75, sa FIBA Women’s Olympic Pre-Qualifying Tournament 2026 kahapon sa Arena Astros sa Guadalajara, Mexico.
Umiskor sina guards Vanessa De Jesus at Sophia Dignadice at forward Kacey Dela Rosa ng tig-16 points para sa 1-2 record ng World No. 31 Gilas Women sa Group B.
Nagdagdag si center Jack Animam ng 14 markers, habang may siyam na puntos si Jhazmin Joson.
“Fighting is not enough at this level; your brain has to follow,” ani Canadian head coach Burke Toews. “We’re still waiting for the execution to get better and fewer hiccups in a game.”
Itinayo ng mga Pinay cagers ang isang 11-point lead sa third period bago nakalapit ang No. 22 Senegal sa dalawang puntos mula sa jumper ni Ndioma Kane sa huling 2:36 minuto ng fourth quarter.
Ang three-point shot ni Dela Rosa at free throw ni Animam ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Nationals.
Nagmula ang Gilas Women sa mapait na 58-61 kabiguan sa No. 31 Mexico at sa 38-85 pagyuko sa No. 7 Canada.
Sunod na lalaro ang Nationals sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa susunod na buwan.
Kasama ng Gilas Women sa Group B ang Japan, Hong Kong at Kazkhstan.
Ang mga Kazakhs ang unang lalabanan ng mga Pinay sa Setyembre 19.
- Latest



















