EDITORYAL - May sakit ang DOH?
MUKHANG hindi lamang mga pasyente ang pagod na sa patuloy na krisis sa kalusugan sa bansa. Maging ang mga namumuno sa Department of Health (DOH) ay hindi rin nagtatagal sa puwesto, dahil sa bigat ng trabaho, sunud-sunod na kontrobersiya, at mga problemang matagal nang nakapaloob sa sistema.
Kamakailan, nagbitiw si dating DOH Secretary Teodoro Herbosa dahil sa health reasons, kasunod ng iba’t ibang isyung ibinato sa kanya. Pinalitan siya ni Dr. Jose “Brix” Pujalte Jr., orthopedic surgeon at medical center chief ng Philippine Orthopedic Center. Positibo ang pagtanggap sa kanya dahil sa mahabang karanasan. Maraming umasa na magdadala siya ng direksiyon sa DOH.
Gayunman, mabilis ding nagbago ang ihip ng hangin. Ilang araw lamang matapos siyang maupo, isinangkot siya sa reklamo sa Presidential Complaint Center dahil umano sa pagpunta sa casino gamit ang mga alias. Mariin niyang itinanggi ang paratang. Hindi pa rito natatapos ang isyu. May sumunod pang anonymous complaint sa Ombudsman na nagsasabing naantala umano ang bidding para sa tuberculosis medicines upang bigyang-daan ang isang paboritong supplier. Muli, ito ay mga alegasyon pa lamang, at may karapatan si Pujalte na linisin ang kanyang pangalan. Hindi dapat agad husgahan ang isang opisyal batay sa reklamo lamang.
Gayunman, hindi maikakaila ang mas malaking tanong: kung ang bagong kalihim ay agad na nasasangkot sa kontrobersiya at kalaunan ay bumababa rin sa puwesto dahil sa kalusugan, ano ang sinasabi nito tungkol sa kalagayan ng DOH?
Ang krisis sa kalusugan ay hindi nagsisimula at nagtatapos sa isang tao. Matagal nang kulang ang bansa sa health workers, ospital, gamot, at pasilidad. Maraming pasyente ang pumipila nang madaling-araw, habang ang iba ay nauubos ang ipon dahil sa isang pagkakaospital lamang. Kulang ang kama, doktor, nurse, at kagamitan sa maraming pampublikong ospital.
Dagdag pa rito ang pulitika sa medical assistance, procurement delays, at mga alegasyon ng korapsyon. Sa ganitong kalagayan, kahit sino pa ang maupo bilang kalihim ay haharap sa sistemang matagal nang may sakit.
Ngayon, si Edwin Mercado ang bagong mamumuno sa DOH, kapalit ni Beverly Lorraine Ho sa PhilHealth. Pareho silang haharap sa mabigat na hamon ng pagpapanumbalik ng tiwala sa mga institusyong pangkalusugan.
Hindi sapat ang pagpapalit ng liderato. Kailangan ang malinaw na direksyon, mabilis at tapat na procurement, patas na serbisyo, at proteksyon laban sa political interference. Ang DOH secretary ay hindi dapat maging tagasalo ng lahat ng problema ng sistema. Sa halip, siya ang dapat magpakita ng malinaw na diagnosis at konkretong solusyon. Kung patuloy na nauubos ang mga kalihim sa kontrobersiya at bigat ng trabaho, malinaw na hindi lang mga tao ang may sakit, ang buong sistema ng kalusugan ang nararapat gamutin.
- Latest

















