Sa pulitika, walang kamag-anak
Masaklap. Sa pulitika, walang permanenteng kaibigan—at kapag pera ng bayan at pananagutan na ang pinag-uusapan, minsan kahit kapatid puwedeng magsalita laban sa kapatid. Ito ngayon ang mabigat na eksenang kinakaharap ni Sen. Alan Peter Cayetano sa gitna ng expose ni Sen. Ping Lacson tungkol sa mga kuwestiyonableng infrastructure projects sa Taguig.
Ang pinakamasakit: mismong kapatid ni Alan na si Lino Cayetano ang nagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga proyektong sinusuri ni Lacson. Kapag sariling kapatid ang source, hindi na madaling ibasura bilang simpleng political demolition. Sa pulitika, kapag katotohanan at pananagutan na ang usapan, nauuna pang mabasag ang pamilya bago ang political alliance.
Mabigat ang inilatag ni Lacson—ghost projects, double appropriations, recycled project photos at iba pang red flags na konektado sa bilyon-bilyong pisong infrastructure spending. Itinanggi ni Cayetano ang mga paratang. Kaya hindi na ito paramihan ng salita o palakasan ng boses: records versus records, evidence versus evidence.
Mas mabigat pa, naisumite na ni Lacson sa Office of the Ombudsman ang documentary at testimonial evidence na hawak niya. Hindi na lamang ito privilege speech o Senate sound bite. Nasa anti-graft body na ang mga dokumento para sa evaluation at posibleng pag-usad ng kaso laban sa sinumang mapatutunayang responsable.
Dito tila nakahanap ng katapat si Cayetano kay Lacson. Kilala si Alan sa pagiging matalas at agresibo sa debate, pero hindi rin madaling matinag si Ping. Kapag audit trail, official records at posibleng criminal liability na ang usapan, walang saysay ang political theatrics. Ebidensya ang huling salita.
Kasabay nito, nakakabahala ang pagkakabalam ng maraming Senate committees dahil sa problema sa Minority representation. Habang may malalaking alegasyong kailangang siyasatin, ang mismong machinery ng Senado na dapat nag-iimbestiga at nagbabantay sa paggamit ng public funds ay hindi dapat nababaldado ng internal politics.
Kaya lumalaki ang pressure kay Cayetano. May expose, may dokumento, may impormasyon mula sa sariling kapatid, at nasa Ombudsman na ang ebidensya. Hindi pa ibig sabihin nito na automatic ang warrant—kailangan pa rin ang legal process, pagsasampa ng kaso, at independent finding of probable cause ng hukuman.
Pero malinaw na nagbago na ang laban. Hindi na ito simpleng bangayan sa Senado. Nasa yugto na ito kung saan dokumento, Ombudsman at batas ang magsasalita. Sa pulitika, walang kamag-anak kapag pera ng bayan ang nakataya. Walang kapatid, walang kaibigan, walang kulay—pananagutan lamang.
- Latest




















