Gilas, Bahrain bardagulan agad sa Asiad
MANILA, Philippines — Sisimulan ng Gilas Pilipinas ang pagdepensa sa korona nito sa pagsagupa sa Bahrain sa opening game ng 2026 Asian Games na magsisimula sa Setyembre sa Nagoya, Japan.
Pasok sa Pool C ang Gilas kasama ang Bahrain, China at Kazakhstan.
Nakatakda ang duwelo ng Gilas at Bahrain sa Setyembre 11 sa alas-12 ng tanghali (oras sa Maynila).
Agad itong susundan ng laban ng Gilas kontra sa Kazakhstan sa Setyembre 12 sa alas-6 ng gabi (oras sa Maynila).
Mayroon namang isang araw na pahinga ang Gilas bago makaharap ang powerhouse China sa Setyembre 14.
Bago ang Asian Games, sasabak muna ang Gilas Pilipinas sa second round ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Agosto 28 at 30 kung saan makakalaban nito ang Jordan at Iran.
Ang Jordan ang tinalo ng Gilas sa finals ng Asian Games sa Hangzhou, China noong 2023.
Subalit alam naman ni Gilas head coach Tim Cone na malaki na ang pinagbago ng Jordan.
“We’ve been looking at their videos already. I even went back to the (2023) Asian Games and viewed that a couple nights ago. The players in the Asian Games the last time we played against are different, their stars are the same,” ani Cone sa programang Power and Play.
Kaya naman kailangan ni Cone na bumuo ng bagong game plan para masigurong madedepensahan ng Gilas ang korona nito sa Asian Games.
Lalarga ang Asian Games mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Pinakaunang lalaruin ang basketball sa Asiad mula Setyembre 10 hanggang 20.
Kaya naman umaasa ang Gilas na ito ang magbibigay ng unang ginto ng Pilipinas sa naturang quadrennial meet.
- Latest
























