Langis, bigas at P85 dagdag-sahod na sinakal ng TRO
Mistulang barya lang ang naantalang P85 na dagdag-sahod sa harap ng rumaragasang presyo ng langis at bigas. Habang sumisipa ang krudo sa pandaigdigang merkado na naghatak pataas sa halaga ng bawat kilo ng bigas ay bitin naman ang ipinangakong tulong pinansyal para sa manggagawa na kulang na kulang upang pantawid-gutom sa araw-araw.
Tumaas ang presyo ng petrolyo na nagtulak sa mas mahal na gastusin sa transportasyon at pag-aani ng mga magsasaka. Sumama sa agos ang presyo ng bigas, kaya naman mabigat sa bulsa ang pambili ng pangunahing pagkain ng pamilyang Pinoy.
Ang bawat galaw ng presyo ng krudo ay direktang sumasalamin sa mas maliit na espasyo sa hapag-kainan ng isang pamilya.
Ang panukalang P85 dagdag-sahod sa National Capital Region na nakatakda sanang ipatupad noong Hulyo 25 ay naudlot dahil sa petisyon ng mga employer laban sa bagong wage order. Sa halip na maging agaran at sapat na saklolo, ito ay tila patak ng ulan sa tuyong lupa para sa mga manggagawang lumalaban sa inflation.
Habang tumitindi ang krisis, ang mga ordinaryong manggagawa ang sumasalo ng bigat ng mataas na gastusin nang walang sapat na proteksyon.
Hindi solusyon ang hilaw na pangako at matagal na pag-antala sa gitna ng gutom at taas-presyo. Hangga’t ang langis at bigas ay nananatiling mayayamang pampabigat sa buhay-manggagawa, ang P85 ay patuloy na magiging paalala ng isang sistemang kulang sa malasakit at epektibong pagkilos.
Lumagda ang 21 senador sa isang resolusyon na nananawagan sa Pasig Regional Trial Court na kagyat na alisin ang TRO laban sa P85 dagdag-sahod na inaabangan sana ng milyong manggagawa sa Metro Manila at iginiit na labag sa Artikulo 126 ng Labor Code sa pasya ng wage board.
Kapag pinayagan ang mga petisyon sa korte, maaaring gamitin ito ng ibang negosyante para pigilan ang susunod pang mga umento sa buong bansa. Ang anumang pagkaantala ay dagdag na pasakit sa milyun-milyong manggagawang sumasandig sa disenteng sahod upang mabuhay.
- Latest


















